Press Releases
“Sipag Lang” Kapalit ng P3.5M DOLE Bicol Libreng Kabuhayan sa Magsasaka at Mangingisda Ng Legazp

Legazpi City- “Wala kameng ibang hinihinging kapalit kundi ang magsipag lang po kayo,” ito ang tahasang sinabi ni DOLE Bicol regional director Atty. Ma. Karina Perida-Trayvilla kahapon ng umaga sa kanyang talumpati sa simpleng awarding ceremony ng P3.5M pangkabuhayan package para sa mga manngingisda at magsasaka ng Legazpi City sa makasaysayang Ibalong Centrum for Recreation (ICR) dito.

 

“Ang pagbibigay ng pangkabuhayan package na ito ay alinsunod sa utos ni Secretary Silvestre H. Bello, III na tugunan ang pangangailangan ng mga mangagawa sa inpormal na sector ng lipunan,” ani DOLE Bicol reg. dir. Atty. Ma. Karina Perida-Trayvilla.

 

Ang ipinamigay na libreng P3.5M pangkabuhayang package ng DOLE Bicol ay unang bahagi lamang ng total na P7M grant na ipagkakaloob ng ahensya sa Lungsod ng Legazpi na pinangunahan ng DOLE Albay Provincial Office.

 

“Totoo po, patikim pa lamang ito dahil P7M ang total na halaga para sa mga Legazpeño kaya meron pang susunod. Subalit dapat ay maipakita ninyo (beneficiaries) at ng City Government Legazpi na karapat-dapat pa naming ibigay yun natitirang P3.5M” Paglilinaw ni DOLE Bicol reg. dir. Atty. Ma. Karina Perida-Trayvilla.

 

Subalit nilinaw ng DOLE Bicol na hindi “cash” o “pera” ang ipamimigay bilang pangkabuhayan package bagkus ay mga kagamitan at materyales na gagamitin ng mga benpisaryo upang mas mapalawig pa ang kanilang kabuhayan.

 

Halos umapaw ang saya ng 564 (408 na magsasaka at 156 na mangingisda) na benepisaryo ng libreng pangkabhayan buhat sa 21-Barangay ng syudad. Ang mga mangingisda ay tumanggap ng mga kagamitan tulad ng sibid-sibid o maliit na banka, lambat at iba pang uri ng mga kagamitan kailangan sa pangingisda. Samantalang ang mga magssaka naman ay tumanggap ng  pala, asadol, basibas, pesticide sprayer, bota at iba pa.

 

Ayon kay Antonio “Manoy Tony” Atraktibo, 52 yrs. old ng Purok 1, Pawa Legazpi City, may dalawang anak edad 14 at 17 yrs. old, ay malaking tulong ang natanggap nyang mga kagamitan sa pagsasaka lalo na’t sira na ang kanyang mga naipundar noon.

 

“Ay talagang magagamit ko itong mga ito! Maraming salamat po. Mas mapapabilis ang pag araro ko ng aming 8-kwadradong palayan. Muhang madadagdagan ang dating P6,000.00 kita sa bawat taniman,” nakangiting sabi ni Manoy Tony habang hawak ang bagong-bagong nyang pala at asarol.

 

Si Armida “Manay Midang” Ardales, 53-yrs. old na kaka-byuda lang noong nakalipas na taon at may 9-na anak sa nasira nyang asawa ay abot-tenga ang ngiti habang nag-posing sa kanyang sariling maliit na “banka”.

 

Halos yakapin ni “Manay Midang” ang banka habang ikinukwento kung paano ito makakatulong sa kanilang mag-anak. “Eeeeiiii salamat po derektor!  Gagamitin ito ng mga anak ko magpapalit-palit sila sa paglaot upang mang pana ng isda. Sa isang araw makahuli lang sila ng 2-kg isda ay kikita na kame ng P120-P200 tapos may libre pa kameng sariwang isda. Malaking tulong na,”

 

Ang unang binigyan ng “banka” ay ang mga South Barangays Puro, Lamba, Maslog, Homapon, Banquerohan, San Franciscom BUenavista at Bagacay. Samantalang ang mga binigyan ng mga gamit sa pagsasaka ay ang mga North Barangays Padang, Buyuan , Rawis, Bagong Abre, Tamaoyan, Arimbay, Cabagnan West, San Joaquin, Gogon, Cruzada, Mabinit, Bonga, Bogtong at Pawa.

 

Sabi ni Jesus Kallos, City Agriculturist, sa susunod na “round” ay sa North Barangays naman ang bibigyan ng banka at yung South Barangays naman ang bibigyan ng mga gamit pagsaka.

 

Ayon naman kay DOLE Albay Provincial head Imelda Escape-Romanillos, ay ito ang stratehiya para maging pantay ang pagbibigay sa mga Barangay.  Binangit nya din na tututukan din ng DOLE Albay ang mga kailangang dokumento upang mairelease na agad ang susunod na batch.

 

“Sa kabuuan, ang project na ito ay may 1,074 na benepisaryo kung saan 761 ay magsasaka at 313 ang mangingisda. Tinataya namin na bago matapos ang taon na ito ay mairelease na ulet ang natitira upang matuwa naman ang kababayan nating Legazpeño,”  masayang pahayag ni DOLE Bicol asst. reg. dir. Rovelinda A. Dela Rosa habang tinitignan ang estado ng mga livelihood projects sa rehiyon lalo na’t sa kanya nakapaloob ang livelihood program ng opisina.

 

Ngayong taon ay tinatayang merong halos P110M na budget ang DOLE Bicol para sa pangkabuhayan package at kailangang ipamahagi ang lahat ng ito sa boung rehiyon para mapakinabangan ng mga Bicolano. Ang mabilis at nararapat na pamimigay ng kabuhayang ito ang tinututukan ni DOLE Bicol asst. reg. dir. Rovelinda A. Dela Rosa sa kanyang pamumuno ng livelihood program.

 

“Hindi lang dapat mabilis ngunit dapat ay sigurado din tayo na ang mabibigyan ay karapat –dapat. Siguro may mga polisiya tayong i-aadjust ng konti para mas mapabuti pa ang livelihood program naten dito sa Bicol,” dagdag ni DOLE Bicol asst. reg. dir. Rovelinda A. Dela Rosa.

 

Ang ginanap na awarding ceremony ay pinangunahan ng DOLE Bicol ka-partner ang City Government of Legazpi sa pamumuno naman ni Hon. Mayor Noel E. Rosal.

 

“Nagpapasalamat din kami sa Legazpi City at kay Mayor Noel Rosal dahil talagang sinusuportahan nya ang mga programa ng DOLE Bicol. Ipinapa abot din ni Secretary Silvestre H. Bello, III ang pagbati sa ating mga maswerteng benepisaryo,”  pagtatapos ni DOLE Bicol reg. dir. Atty. Ma. Karina Perida-Trayvilla. –end.

 

REGULAR NEWS
ISO PR Code: 2017_52_gud_aug1_alb_ 7M
Department of Labor and Employment
Regional Office No. 5 (DOLE-Bicol)                  
8 August 2017, rpescalante

[Back]
[Print]
2017-08-08
RD Ruby
Contact us:
Name

Your Email

Title/Subject

(Maximum characters: 50)
You have characters left.

Your Message

(Maximum characters: 300)
You have characters left.